Bedridden

GABI
(kung kailan
malamlam na tala'y bumitaw
at nagpalamon sa putik
Pagal na katawa'y pinagkabaluktot
sa munti at punit na kumot
Hinigop ng unan ang bawat butil
ng tubig na bumabaybay sa pisngi
Pikit-matang mananalangin
na muling kayanin ang pagngiti
Sa paghimbing na lamang magpapaalipin
habang inaaliw ang sarili sa oyayi ng kuliglig)
LULAN AKO NG KAMA

HATING GABI
(kung kailan
namanhid na sa bawat kagat ng lamok
Mga poot ay binalot sa puting kumot
Pait ng katotohana'y pilit tinakasan
Nagpaanod sa makukulay na pantasya
Buong ligalig na kinakalabit
harpang bitbit ng anghel sa langit
Isinilid sa garapon
bawat kulay ng bahaghari
Muling napangiti
ang nakatikom na labi)
LULAN AKO NG KAMA

UMAGA
(kung kailan
masisiglang huni ng ibon
ang sa aki'y gumigising
Ang araw ay muling ngumiti
habang hinahawi ang dilim
Nalunod na mga tala ay sumibol
bilang bulaklak sa hardin
Isinisilid sa bulsa
ang pangarap at pag-asang nakalap
Puti at itim ng realidad
ay muling yayapusin
Pikit matang bubulong ng pasasalamat
at muli't-muli...mata'y ididilat
paa'y iuunat)
LULAN AKO NG KAMA

Ngunit sa muling pagpatak ng segundo
at pagsulong ng minuto
ituturan ang salitang "Para!"
Paa'y ilalapaty muna sa sahig
'di upang kalimutan ang kamang sinakyan
'di upang iwanan ang kamang naging kaibigan
kundi upang makilahok
sa pagsasaayos ng bawat araw
Kahit paano...
'di na muling makikita
paglamlam at pagbitaw ng mga tala
di na muling aasa sa pantasya
at makikiawit na lamang
sa mga maya sa bintana
at susundan ng tingin
ang pagkampay ng kanilang pakpak
lilipad kasabay ng aking mga pangarap

Upang sa gayon...
muling lululan sa kama
yayapos sa malambot na unan
at magpapakumot sa ginhawa.

Share:

0 comments