Medyo tula na parang hindi. (Medyo pagguhit na pagguhit na parang hindi)

Lou Natalie Pugay | 9.19.15



Kung bakit ko ba minsa'y hinahanap
Gayong sanay naman sa wala.
Ngunit gusto ko ng kulay.
Gusto ko ng buhay.

May nagsisimula. 
May natatapos.
Mayroong di makapagsimula.
Mayroong di nagtatapos
Magsisimula lang ako nang walang takot.
Uulit na lang kung sakaling ito'y matapos.
At maniniwala - maniniwalang may patutunguhan.

Hindi ako bihasa.
Wala akong magagawa
kung hindi perpekto ang mga linyang walang direksyon.
Wala akong magagawa
kung limitado lang ang kulay na hawak ng kamay,
Ngunit mayroon akong magagawa upang maging masaya dito.
Pagagandahin. Mamahalin.
Sa iba, ito'y laro. Sa akin, ito'y bahagi ng buhay.
May mga kulay na maganda kapag pinaghahalo.
Mayroon din namang hindi bagay sa isa't-isa.
May mga kulay na mangingabaw.
Mayroon din namang magtatago.
Kung pikit ang iyong mata sa istoryang gusto mong makita (o sa dapat mong makita), 
hindi magkukuwento ang papel.
At kung hindi mo malalaman ang kwento, hindi mo maiintindihan. 
Hindi ka makakahanap ng ganda sa kabila ng ingay.
Mas masaklap ang salimuot ng kulay at linya kaysa sa kahungkagan ng blangkong papel.

Minsan makikita mo ang kulay sa magugulong mga linya.
Minsan, ang magugulong linya sa gitna ng kulay.


Hindi ako bihasa,
kaya pwede kang hindi maniwala.

Share:

0 comments